Reporma sa classroom construction, isinusulong ng DepEd

Iminungkahi ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang pagsusulong ng reporma sa konstruksyon ng mga silid-aralan para masolusyunan ang matagal nang backlog sa bansa.
Nabanggit ito ng opisyal makaraang mabahala ang kagawaran sa mabagal na paggawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Mula kasi sa target na 1,700 classrooms, 22 lamang ang natapos as of October 2025.
Nais na raw baguhin ang sistema sa implementasyon ng classroom projects na tanging DPWH ang nagpapatupad at labis na naantala simula 2018. Bibilis daw ang pagtatayo ng mga silid-aralan kung isasama rito ang iba pang sektor, kabilang ang mga LGU, gaya ng nakasaad sa Classroom-building Acceleration Program o CAP Act ni Senator Bam Aquino.
Asahan daw na papayagan ang mga probinsya, syudad, at 1st and 2nd class municipalities na humawak ng school building projects.
Bukod sa mga LGU, pinag-aaralan na rin ang Public-Private Partnership o PPP, kung saan makikipagtulungan ang DepEd sa iba pang partner gaya ng engineering brigades ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa konstruksyon ng classrooms.
Naisumite na raw ang panukalang isama ang flexible construction provisions sa 2026 National Expenditure Program (NEP) sa pagsisimula ng taong ito. Sa pagsusuri ng DepEd, mabigat na workload, late validation at costing submissions, at papalit-palit na liderato ang sanhi ng pagkaantala ng DPWH sa mga proyekto.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Angara na magiging mabilis na ang konstruksyon ng mga silid-aralan sa ilalim ng pamumuno ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Sa kasalukuyan, may 146,708 classroom backlogs sa buong bansa, habang nasa 22,092 classrooms ang nakumpleto mula July 2022 hanggang July 2025. #
