Rep. Camille Villar, mariing itinanggi na namili siya ng boto
Mariing itinanggi ni Senatorial candidate at Las Piñas Rep. Camille Villar ang alegasyong namili umano siya ng boto sa isang event sa Cavite.
Kasunod ito ng plano ng Commission on Elections (Comelec) na maghain ng isang show cause order laban sa kanya dahil sa isyu.
Ayon sa Committee on Kontra Bigay ng Komisyon, nakatanggap sila ng isang anonymous tip nitong Martes, April 22, ukol sa pamamahagi raw ng cash prizes ni Villar at iba pang local aspirants sa isang event sa Imus, Cavite noong February 16, 2025.
Sa isang Facebook post, pinabulaanan ni Villar ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isyu. Aniya, wala siyang kinalaman sa mga paratang na ibinabato sa kanya.

Nilinaw rin niya na ang tinutukoy na event ng Comelec ay naganap noon pang February 9, 2025, bago pa man ang pagsisimula ng campaign period.
Naniniwala raw si Rep. Villar na lilinisin ng Komisyon ang maling akusasyon at ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isyu.
Nagpapasalamat din si Villar sa kanyang mga tagasubaybay dahil sa patuloy na suporta at tiwalang ibinibigay nito sa kanyang kandidatura. #