Red Cross, Comelec, iba pang ahensya, nagsanib-pwersa para sa ligtas na eleksyon
Pinagtibay ng Philippine Red Cross (PRC), Commission on Elections (COMELEC), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Health (DOH) ang kanilang pagtutulungan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga botante at election personnel para sa 2025 National and Local Elections sa May 12.

Sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nitong Huwebes, March 27, nangako ang PRC na magbibigay ng suporta sa pamamagitan ng mga ambulansya, first aid stations, at iba pang makataong serbisyo, kabilang ang Blood Services, Emergency Response Units (ERU), Health and WASH (Water, Sanitation, and Hygiene) facilities, at Disaster Management Services (DMS).

Ayon kay PRC Secretary-General Dr. Gwen Pang, mahalaga ang kasunduang ito upang matiyak na walang sinumang botante ang dapat mamili sa pagitan ng kanilang kaligtasan at karapatang bumoto.

Dagdag pa niya, ang tagumpay ng inisyatibang ito ay makikita sa kakayahan ng bawat ahensya na tumugon sa pangangailangan ng publiko nang may kahusayan, malasakit, at pagkakaisa.
Kabilang sa mga lumagda sa naturang MOA sina PRC Secretary-General Dr. Gwen Pang, DOH Director Bernadett Velasco, DILG Undersecretary Jon Paulo Salvahan, at Comelec Chairman George Erwin Garcia. #