Provincial Dialysis Center sa Apalit, bukas na

Binuksan na sa bayan ng Apalit, Pampanga ang ikalawang Provincial Dialysis Center na magpapalapit ng serbisyong medikal para sa mga residente ng lalawigan.
Dito na maaring magpagamot ang mga dialysis patients nang hindi na kinakailangang bumiyahe pa-City of San Fernando.
Naitatag ang naturang pasilidad sa pamamagitan ng public-private partnership, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Apalit, B. Braun Corp, Jose B. Lingad Memorial Hospital, at ang Pamahalaang Panlalawigan.
Itinayo ang gusali gamit ang ₱30 million na pondo mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), habang ang 40 dialysis machines at water reverse osmosis system ay pinondohan naman ng Department of Health (DOH).
Ayon sa Provincial Health Office, kayang tumanggap ng bagong pasilidad ng mahigit sa 200 pasyente bawat araw. Libre ang dialysis para sa mga kwalipikadong pasyente sa ilalim ng PhilHealth Dialysis Package, na may coverage hanggang ₱1 million.
Pinapayuhan ang mga residente na makipag-ugnayan sa kanilang mga community workers para sa schedule at karagdagang impormasyon. #
