Project LAWA at BINHI ng DSWD, nominado sa UN Disaster Risk Reduction Award
By Rhandol Nixon Lapuz, CLTV36 News intern
Nominado ang flagship programs na Project LAWA at BINHI ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa prestihiyosong United Nations (UN) Sasakawa Award for Disaster Risk Reduction.
Layon ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished) na tugunan ang pangangailangan ng mga pamilya at indibidwal tuwing may sakuna. Binuo rin ang dalawang proyekto upang maging mas handa ang mga komunidad sa banta ng dumaraming epekto ng climate change.
Ipinagmalaki ng DSWD na sa tulong ng Project LAWA, tinatayang 1,932 water reservoir na ang naitayo mula 2023. Nakatutulong ang mga ito bilang irrigation at water support sa mga komunidad na kulang at walang access sa tubig.

Samantala, 4,317 BINHI site na ang mayroon sa bansa. Sa kaparehong taon, nakapag-ani na ng 21,024,130 kilo ng produkto mula sa naturang gardening project.

Nagpasalamat naman si DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) Assistant Secretary Irene Dumlao para sa nasabing nominasyon. Aniya, isa itong malaking karangalan para sa ahensya bilang pangunahing government agency na nagsusulong ng disaster response sa bansa.
Malalaman na sa April 30 ang nasa shortlist ng Sasakawa Award, habang sa June 30 naman iaanunsyo ang magwawaging proyekto. #