PRO 3, naka-full alert status na ilang araw bago ang halalan
Naka-full alert status na ang buong pwersa ng Police Regional Office 3 (PRO 3) mula May 3, 2025 hanggang May 15, 2025, bilang bahagi ng kanilang inisyatiba para sa nalalapit na National and Local Elections sa May 12.
Ayon kay PRO 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, puspusan na ang kanilang ginagawang paghahanda upang tiyakin ang seguridad ng mga botante sa Gitnang Luzon.
Kabilang sa kanilang mga hakbang ang pag-deploy ng karagdagang pulis sa mga election areas of concern at voting centers, partikular sa mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, at Pampanga.
Bukod dito, nakahanda na rin ang kanilang Quick Response Forces (QRF) at Reactionary Standby Support Forces para tumugon sa anumang banta sa kaayusan at kaligtasan sa araw ng halalan.
Tuloy-tuloy rin ang 24/7 monitoring at koordinasyon ng mga intelligence unit upang maagapan naman ang mga posibleng kaguluhan.
Hinimok din PRO 3 ang publiko na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad ng maaaring makasira sa integridad ng botohan. #
