PRO 3, iginiit na legal ang pag-aresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Nilinaw ng Police Regional Office 3 (PRO3) na legal ang naging pag-aresto sa ilang Aeta noong April 18, 2025, kasunod ng pagbarikada sa ilang daan sa crater ng Mount Pinatubo sa Capas, Tarlac. Ang kilos-protesta ay kaugnay ng kanilang panawagan para sa patas na bayad sa paggamit ng kanilang lupain para sa turismo.
Ayon sa PRO3, ang pag-aresto ay bunsod ng mga umano’y paglabag sa local ordinances at national laws, kabilang ang obstruction of public passage at ilegal na pagpasok sa isang protected area. Tiniyak ng mga otoridad na isinagawa ang operasyon alinsunod sa due process at may paggalang sa karapatan ng mga katutubo.

Sa isang pahayag, sinabi ni PRO3 Regional Director PBGEN Jean Fajardo na kinikilala nila ang mga isyung ipinaabot ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at tiniyak ang kanilang pangako na igalang ang mga karapatan ng indigenous community habang pinapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
“Ang lahat ng aksyon na isinagawa ng ating mga tauhan ay alinsunod sa umiiral na batas, kabilang na ang Indigenous Peoples’ Rights Act (RA 8371), at mga patnubay ng PNP hinggil sa makataong pagtrato sa mga nasa kustodiya,” ani PBGEN Jean Fajardo.
Kasalukuyang nire-review ng PRO3 ang insidente at nakatakdang magsagawa ng joint dialogue kasama ang NCIP at iba pang stakeholders upang resolbahin ang mga isyu.

Kaugnay nito, inanunsyo rin ng PRO3 ang pagpapatupad ng community immersion programs at refresher training para sa kanilang mga tauhan upang palakasin ang cultural sensitivity sa pakikitungo sa mga katutubo. #
