PrimeWater, nangakong aayusin ang problema sa tubig sa Bulacan bago ang pasukan: Malacañang
Ang tubig ay isa sa mga pinakamahalaga at pangunahing pangangailangan ng bawat tahanan. Araw-araw itong ginagamit sa pag-inom, pagluluto, pagligo at paglilinis.
Kaya naman perwisyo kung maituturing ang hindi maayos na suplay ng tubig mula sa PrimeWater Infrastructure Corp. na pagmamay-ari ng pamilyang Villar.
Ito ang patuloy na idinaraing ng mga taga-Bulacan, partikular sa mga bayan ng Malolos at San Miguel.
At ngayong papalapit na ang pagbubukas ng School Year 2025-2026, lalong tumitindi ang pangamba ng mga residente na hindi pa rin maibalik sa normal ang suplay ng tubig sa pagbubukas ng klase.

Kaugnay nito, inihayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules, June 11, na nangako na umano ang PrimeWater na aayusin nila ang problema bago magsimula ang klase sa Lunes, June 16.
“Nangako po ang PrimeWater na ire-repair ang pump station by June 13, 2025 at makikipag-coordinate po sila sa drainage contractor para po maisaayos din po. Ito po ay sa pagitan ng CMWD at PrimeWater para ma-restore po ‘yung damage mainline,” ani Castro sa isang press briefing.
“Water is expected to return to normal levels upon completion of the repair and restoration of damaged pipelines before school opening. So, abangan po natin ang magiging trabaho ng PrimeWater kung tutupad sila sa kanilang pangako,” dagdag pa niya.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa utos ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa Local Water Utilities Administration (LWUA) na agad magsagawa ng imbestigasyon sa problema sa tubig sa mga pampublikong paaralan sa dalawang nabanggit na bayan na personal niyang ininspeksyon.
Hinikayat naman ni Usec. Castro ang publiko na bigyan muna ng pagkakataon ang PrimeWater na tuparin ang kanilang pangako.
“Tignan po muna natin. Bigyan natin sila ng chance. Although marami nang nagrereklamo sa PrimeWater, bigyan muna natin ng chance dahil ang sabi naman po nila ay sila’y naglilingkod sa bayan,” saad ni Castro.
Samantala, binigyan ni PBBM ang LWUA ng hindi hihigit sa 48 hours upang magsumite ng initial report na naglalaman ng sanhi ng problema, kasama ng mga opisyal na may pananagutan, gayundin ang mga isasagawang hakbang para maibalik ang serbisyo bago ang pasukan sa susunod na linggo. #
