Presyo ng sibuyas, mataas pa rin sa kabila ng importation

Inatasan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Plant Industry (BPI) na magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng onion warehouses upang matukoy kung ang mga bagong ani ay nakararating sa merkado.
Kasunod ito ng mga natatanggap na report ng Kalihim kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pula at puting sibuyas sa ilang pamilihan.
Ayon kay Sec. Laurel, ipinag-utos na niya sa BPI na bisitahin ang lahat ng onion cold storage facilities sa bansa para makita kung itinatago ang mga ani sa halip na ibenta.
Dagdag niya, kung mapatunayang may nagaganap na hoarding at price manipulation, maaari umanong managot sa batas ang mga sangkot dito.
“If they are, that’s wrong. Onions are typically stored toward the middle or end of the harvest season, not at the start. This clearly points to price manipulation—it’s hoarding,” saad ng Kalihim.
Batay sa DA, nananatiling mataas ang presyo ng sibuyas sa ilang palengke na pangunahing sangkap sa mga pagkaing Pinoy. Sa kabila ito ng ginawang pag-angkat ng bansa ng 4,000 metric tons nito upang mapababa ang presyo at matugunan ang inaasahang kakulangan bago ang panahon ng pag-aani.
Sa latest price monitoring ng ahensya, naglalaro ang presyo ng pulang sibuyas sa ₱140-₱240 kada kilo, habang nasa ₱130-₱150 naman ang kada kilo ng puting sibuyas. Noong nakaraang buwan, nasa ₱140 per kilo lamang ang naitalang prevailing price ng pulang sibuyas.
Inaasahan naman ni Sec. Laurel na maisasagawa ng BPI ang inspeksyon sa loob ng apat hanggang pitong araw, at makapagbigay ng report sa kanya sa linggong ito. #