Presyo ng bilihin, pagsugpo sa korapsyon at oportunidad sa trabaho, nais ipatutok ng mga Pilipino sa gobyerno: Stratbase

Nais daw ng mga Pilipino na tutukan ng mga lider ng pamahalaan ang pagpapababa ng presyo ng pagkain, paglaban sa katiwalian, at paglikha ng mas maraming trabaho sa kanilang mga komunidad.
Ito ang resulta ng survey na ipinakomisyon ng think tank na Stratbase sa Pulse Asia, na isinagawa mula December 12-15, 2025.
Sa inilabas na pahayag ng Stratbase, batay sa resulta ng nationwide survey, 38% ng mga respondent ang nagsabing ang pagpapababa ng presyo ng pagkain ang dapat unahin ng pamahalaan.
Sinundan ito ng pagbabawas o pagpigil sa katiwalian upang mapabuti ang serbisyong pampubliko na nakakuha ng 31%, at ang paglikha ng mas maraming trabaho at kabuhayan ay nakakuha ng 21%.
Ang mga ito raw ang nangungunang mga isyu sa lahat ng rehiyon at antas ng kabuhayan.
Ipinapakita rin ng survey na itinuturing ng mga Pilipino na magkaugnay ang kahirapang pang-ekonomiya at katiwalian.
Bagama’t nanguna ang isyu ng presyo ng pagkain sa buong bansa, mataas din ang nakuhang antas ng katiwalian kasama ng usaping pang-ekonomiya.
Patunay raw ito sa kamalayan ng publiko na direktang naaapektuhan ng kakulangan ng gobyerno ang serbisyong para sa mamamayan, gastusin ng pamilya, at oportunidad sa kabuhayan.
Samantala, sinabi ni Stratbase Group founder at Chief Executive Officer Victor Andres Manhit na ipinapakita ng resulta ng survey na malinaw sa mga Pilipino na ang katiwalian ay isang isyung pang-ekonomiya at hindi lamang usaping moral.
Ramdam daw ng mga mamamayan ang direktang epekto ng katiwalian sa kanilang araw-araw na pamumuhay, gaya ng pagtaas ng presyo ng bilihin, paghina ng serbisyong pampubliko, at kakulangan ng trabaho kapag nagagamit sa mali ang pondo ng bayan.
Ani Manhit, inaasahan ng mga Pilipino na sabay na tutugunan ng pamahalaan ang agarang problemang pang-ekonomiya at ang pananagutan sa pamamagitan ng imbestigasyon, pag-aresto, at pag-usig sa mga sangkot sa katiwalian.
Ipinapakita rin ng datos ang mas mataas na pagbabantay ng publiko sa performance ng pamahalaan, habang mas sinusuri ng mga Pilipino ang pamumuno batay sa konkretong pagbuti ng kalagayang pang-ekonomiya at sa malinaw na aksyon laban sa katiwalian.
Maliwanag umano ang mensahe ng survey na nais ng mamamayan ang agarang ginhawang pang-ekonomiya kasabay ng kapani-paniwalang aksyon laban sa katiwalian, dahil magkakaugnay ang mga isyung ito sa araw-araw na buhay. #
