Preserbasyon ng makasaysayang istasyon ng tren sa Calumpit, sisimulan na ng PNR
By Mazy A. Conejos & Nicodemy Yumul, CLTV36 News interns
Inanunsyo ng Philippine National Railways (PNR) ang plano nitong simulan ang preserbasyon at rehabilitasyon ng makasaysayang istasyon ng tren sa Calumpit, Bulacan.
Ayon kay PNR General Manager Deovanni Miranda, sinusuportahan nila ang panukala ng Pamahalaang Bayan ng Calumpit na panatilihin ang lumang istasyon sa pamamagitan ng paglalagay ng heritage marker na magsisilbing paalala sa kasaysayan at kahalagahan ng istasyon sa pag-unlad ng transportasyon sa Central Luzon.

Ang lumang istasyon ng Calumpit ay itinayo noong 1891 at naging mahalagang bahagi ng linya ng tren sa Hilagang Luzon. Sa paglipas ng panahon, huminto ang operasyon nito noong 1988.

Sa kasalukuyan, ang istasyon ay isinasailalim sa rehabilitasyon bilang bahagi ng North-South Commuter Railway (NSCR) project, na naglalayong pagandahin at palakasin ang railway system ng bansa.
Inaasahang ang pagpreserba ng lumang istasyon ay hindi lamang magbibigay-pugay sa mayamang kasaysayan ng PNR kundi magpapalakas din sa turismo at ekonomiya ng Calumpit. #