Presentation of Articles of Impeachment laban kay VP Sara, itinakda ng Senado sa June 11

Inilipat ng Senado sa June 11, 2025 ang presentation ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte upang bigyang-daan ang pagtalakay sa mga prayoridad na panukalang batas bago magtapos ang 19th Congress, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Orihinal na itinakda ang presentasyon ng mga nasabing artikulo sa June 2, 2025, ngunit ipinagpaliban ito upang matutukan ng Senado ang mga mahahalagang panukala. Ayon kay Escudero, anim na session days na lamang ang natitira bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa June 14.
Sa liham ng Senador kay House Speaker Martin Romualdez noong May 29, na ipinadala rin sa tanggapan ni VP Duterte, binanggit ng Senate President na may hindi bababa sa 12 panukalang batas na kailangang maipasa agad.
Kabilang dito ang E-Governance Act, Anti-POGO Act, at mga pag-amyenda sa Universal Health Care Act at Foreign Investors’ Long-Term Lease Act. Dagdag pa rito, may mahigit sa 200 presidential appointments din na kailangang aksyunan ng Senado, kabilang ang ilang cabinet secretaries at opisyal ng AFP.
Paliwanag pa ni Escudero, mahalagang bigyang-prayoridad ang mga panukalang ito upang mas mapalapit ang pamahalaan sa tunay na pangangailangan ng mamamayan, alinsunod sa layunin ng administrasyon. #
