PRC, naka-high alert ngayong Semana Santa 2025
By Francheska Reyes, CLTV36 News intern
Naka-high alert ang Philippine Red Cross (PRC) hanggang April 21 para sa kanilang taunang Semana Santa operations.
Kaugnay nito, nag-deploy na ang tanggapan ng 1,840 volunteers at 313 staff para sa planong pagtatayo ng 375 first aid stations at 137 welfare desks sa buong bansa.
Nakaantabay rin ang 58 nilang ambulansya, 90 foot patrols, 70 mobile units, at 40 service vehicles para mag-antabay sa mga matataong lugar.
Hinikayat ni PRC Chair Richard Gordon ang publiko na kumuha ng ‘safe card’ para sa proteksyon at tulong medikal. Gayundin, sinabi rin niya na tumawag lamang sa hotline number na 143 para sa anumang emergency.
Pinaalalahanan naman ni Secretary-General Dr. Gwendolyn Pang ang publiko na maghanda ng first aid kit at bisitahin ang Facebook page ng PRC para sa impormasyon tungkol sa mga first aid station at welfare desks.
Noong 2024, matatandaang nakatulong ang PRC sa 8,455 katao gamit ang 601 first aid stations, 46 welfare desks, at 67 ambulansya na kanilang ipinakalat sa buong bansa. #