Posibleng iproklama ang mga nanalong senador at partylist sa weekend: Comelec
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng sa darating na Sabado o Linggo maiproklama na ang mga nanalong senador at partylist groups para sa May 12 midterm elections, batay sa report ng Philippine News Agency.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, inaasahan nilang maisasagawa ang buong proklamasyon bago matapos ang linggo, at hindi na ito magiging partial o paunti-unti.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 159 ng kabuuang 175 Certificates of Canvass (COCs) ang natapos nang maberipika ng National Board of Canvassers (NBOC), ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco.

Sa unang araw ng canvassing nitong Martes, May 13, 58 COCs ang na-canvass, habang nadagdagan ito ng 101 COCs nitong Miyerkules, May 14.
Binanggit din ni Laudiangco na ito na ang pinakamabilis at pinakamaraming bilang ng COCs na na-canvass sa loob ng dalawang araw sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas.
Ayon sa Comelec, 16 na lamang na COCs ang natitira ng isasailalim sa proseso ng beripikasyon. Apat na sesyon ang isinagawa ng NBOC nitong Miyerkules at inaasahang magpapatuloy ang canvassing ngayong Huwebes, May 15, 2 PM, sa Tent City ng Manila Hotel. #
