PNP, nagbabala laban sa online travel scams ngayong vacation season
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Naglabas ng babala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga online travel scam na nag-aalok ng tour packages na “too good to be true,” kasabay ng pagdagsa ng mga biyahero na gustong magbakasyon ngayong tag-init.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, mahalagang tiyakin kung lehitimo ang mga travel agency at booking platform bago magbayad o magbigay ng personal na impormasyon. Aniya, aktibong binabantayan ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang digital space upang maprotektahan ang publiko laban sa mga panlilinlang.
Mula April 11 hanggang 17, nagsagawa ang PNP-ACG ng 313 cyber patrol at 13 digital forensic examinations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 45 indibidwal—32 rito ay nasakote sa entrapment operations.
Kaugnay nito, tiniyak ng PNP na patuloy ang kanilang operasyon at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno upang tuluyang mapanagot ang mga kriminal sa ilalim ng Bagong Pilipinas framework.
Nanawagan din ang ACG sa publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang online activity sa kanilang hotline [(02) 8723-0401 / +63 968 867 4302] at official social media accounts. #