PNP, mas pinaigting ang seguridad at anti-crime ops sa Central Luzon
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) sa Central Luzon ang kampanya kontra kriminalidad at ang presensya ng mga pulis.
Alinsunod raw ito sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kapayapaan at seguridad ng publiko sa buong bansa, lalo na sa mga matataong lugar.
Pinangunahan ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang muling pagsasaayos ng mga estratehiya sa pagpuksa ng krimen sa rehiyon, gamit ang makabagong teknolohiya gaya ng updated crime mapping, time-based crime analysis, at predictive policing tools.
Layunin nitong maagapan at mapigilan ang mga krimen, lalo na sa mga urban centers, kabisera ng mga lalawigan, business districts, at transport hubs.
Ayon sa PNP, mas aktibong nagpapatrolya ang mga pulis sa araw at gabi sa mga lugar na may mataas na banta sa seguridad. Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ang pagsugpo sa ilegal na droga, pagkumpiska ng loose firearms, at pagtugis sa mga wanted na indibidwal.
Kasabay nito, pinalawak rin ang operasyon ng Highway Patrol Group sa mga pangunahing lansangan upang ipatupad ang “No Plate, No Travel” policy katuwang ang Land Transportation Office (LTO). Bahagi naman ito ng kampanya laban sa mga hindi rehistradong sasakyan na maaaring magamit sa kriminalidad.
Iniutos din ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang mas masusing pag-aaral sa crime clocks at hotspot areas para mas mapabuti ang deployment ng mga pulis sa mga lugar na may mataas na insidente ng krimen.
Giit pa ng PNP, nananatiling aktibo, handa, at maaasahan ang mga kapulisan sa pagtugon sa banta ng kriminalidad at sa pagsusulong ng isang ligtas na lipunan para sa bawat Pilipino sa ilalim ng administrasyong Bagong Pilipinas. #