PNP Chief Torre III, hinamon si Roque na harapin ang human trafficking case sa Pilipinas
Tahasang hinamon ni newly appointed Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III si former presidential spokesperson Harry Roque na bumalik sa Pilipinas at sumuko sa mga otoridad upang harapin ang kasong qualified human trafficking na inihain laban sa kanya.

Ang kaso ay may kaugnayan sa pagkakasangkot niya sa iligal na operasyon ng Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga, na sinalakay ng mga pulis noong June 2024.
“Abogado naman si Harry Roque, edi harapin niya. Kasi ito yung kaso na hindi mo na pwedeng dalhin sa kalsada para mag-rally. You really have to come and submit yourself to the jurisdiction of the courts and make your case and leave your arguments in your case. So, I think it is prudent for the other accused to just surrender themselves,” ani Torre sa isang press briefing nitong Lunes, June 2.
Ayon kay Torre, patuloy ang koordinasyon ng PNP sa International Criminal Police Organization o Interpol upang maglabas ng red notice para madakip at maibalik si Roque sa bansa.
“Standard naman yon. This is a whole government approach. The DFA is cancelling his passport and the other accused so that they will not be able to travel freely at sila ay maibalik dito sa bansa. So, this is just one of the many mechanisms that we can harness, we can tap sa pagbabalik dito sa Pilipinas,” saad pa ng hepe ng pambansang kapulisan.
Kasalukuyang nasa Netherlands si Roque para sa kanyang asylum application. Kabilang siya sa 51 na kataong nadidiin sa kasong human trafficking kaugnay ng Porac POGO hub. Matatandaan nitong Mayo, naglabas ang Angeles City Regional Trial Court Branch 118 ng warrant of arrest laban sa mga sangkot.
Una nang itinanggi ng dating tagapagsalita ang paratang at sinasabing biktima lamang siya ng political persecution ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. dahil sa pagkakaugnay niya kay former President Rodrigo Duterte.
Samantala, nito lamang Lunes, June 2, naglabas si Roque ng pahayag na naglalahad ng kanyang pagkadismaya kay Gen. Torre dahil tila prayoridad nito ang pag-aresto sa kanya kaysa sa ibang mas mahalagang usapin. Pinayuhan din niya ang PNP Chief na kumalma at tutukan ang mga seryosong problema ng kapulisan.

Sa ngayon, patuloy ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagsasagawa ng mga operasyon para madakip ang iba pang sangkot. Dalawa sa mga ito ang nasa kamay na ng otoridad.
Naaresto nitong May 22 si alyas “Marlon” sa Brgy. Tabun, Mabalacat City, Pampanga. Siya ang operations officer ng security agency na nagbabantay sa Lucky South 99 Outsourcing Inc. kung saan nangyari ang umano’y trafficking.
Habang nito lamang nakaraang Huwebes, May 29, nadakip si alyas “Mariano” sa Public Safety Division ng Clark Development Corporation (CDC). Siya naman ang dati umanong security guard ng nasabing kumpanya. #
