Planong pagpondo ng Asian Development Bank sa nuclear projects, inalmahan

Sa isang kilos-protesta idinaan ng iba’t ibang environmental at civil society groups ang kanilang mariing pagtutol sa posibleng pag-alis ng Asian Development Bank (ADB) sa pagbabawal nito sa nuclear energy financing.
Bitbit ang mga banner ng kanilang panawagan, sabay-sabay na umapela ang mga grupo—kabilang ang Nuclear Free Bataan Movement (NFBM), KILUSAN, KAISA KA, PANGISDA PILIPINAS, YND, YBEAN, at STEPGEN—sa harap ng main gate ng ADB headquarters sa Ortigas umaga ngayong Lunes, November 24, na huwag ibalik sa rehiyon ang umano’y mapanganib at lipas nang teknolohiya.
Giit nila, ang pagpopondo ng ADB sa nuclear projects ay maglalagay lamang sa mga bansa sa Asia-Pacific sa panganib ng radioactive contamination, dagdag na utang, at pagkalihis sa tunay na renewable solutions na mas ligtas at abot-kaya.
Matatandaang inihayag ni ADB President Masato Kanda sa kanyang speech sa 22nd Annual Meeting ng Science and Technology in Society (STS) sa Japan noong October 5, na handa na umano ang naturang bangko na suportahan ang nuclear power bilang option ng mga bansang nais umalis sa coal at gas.
“We see nuclear power as an important option for countries that want to shift away from coal and gas baseload and cut emissions. ADB’s role will be to make nuclear safe, trusted, and investable,” ani Kanda.
Samantala, binigyang-diin din ng mga grupo ang pagtutol sa tinawag nilang “false climate solutions” tulad ng Carbon Capture, Utilization and Storage (CCUS), co-firing, at unsustainable critical minerals expansion, na anila’y hindi nakatutulong sa layuning abutin ang 1.5°C climate goal.
Hiningi rin nila ang agarang paglatag ng ADB ng malinaw na landas patungo sa mabilis at patas na phase-out ng fossil fuels, at pag-prioritize sa community-owned and decentralized renewable energy systems.
Matagal nang tutol ang NFBM at iba pang grupo sa nuclear energy, batay sa kanilang karanasan sa kontrobersyal na Bataan Nuclear Power Plant. Kaya naman tinawag nila ang posibleng polisiya ng ADB na isang pag-atras sa laban para sa makatarungan at ligtas na energy transition. #
