Pinsala sa agrikultura ng Bulacan, umabot na sa ₱85-M
By MC Galang, CLTV36 News

Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan mula sa habagat at epekto ng mga Bagyong Crising, Dante, at Emong, pumalo na sa ₱85.6 million ang tinatayang pinsala sa agrikultura at palaisdaan sa Bulacan.
Batay sa ulat ng Provincial Agriculture Office (PAO) ng Bulacan as of 3 PM nitong Huwebes, July 24, apektado na ang 1,870 na magsasaka at 962 na mangingisda sa lalawigan. Naitala rin na nasa ₱685,300 ang pinsala sa sektor ng livestock at poultry.
Sa ulat naman ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), sinabi ni Chief Weng Tiongson na 188 evacuation centers ang binuksan, kung saan lumikas na ang 6,041 pamilya o tinatayang 19,638 indibidwal mula sa flood-prone areas.
Bilang agarang tugon, namahagi ng 1,185 relief packs sina Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alexis Castro sa evacuation centers sa Paombong, Malolos City, at Marilao.
Ayon kay retired Colonel Manuel Lukban, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), itinaas na sa red alert status ang kanilang Emergency Operations Center bilang paghahanda sa posibleng paglala ng sitwasyon. Patuloy rin ang kanilang monitoring gamit ang CCTV para masubaybayan ang pagtaas ng tubig sa mga pangunahing lugar.
Dagdag pa ni Lukban, nasa yellow hanggang orange rainfall warning status ang Bulacan mula Huwebes hanggang Biyernes ng umaga dahil sa masamang panahon na posibleng magdulot ng flash floods at landslides.
Samantala, dahil sa patuloy na pagbaha at malawakang pinsala, idineklara na sa ilalim ng State of Calamity ang mga lungsod at bayan ng Calumpit, Balagtas, Paombong, Marilao, at Meycauayan. #
