Pinoy wushu champ Agatha Wong, isa sa mga flag bearer ng Pinas sa World Games 2025
Pangungunahan ng Pinoy wushu champion na si Agatha Wong ang delegasyon ng Pilipinas bilang isa sa mga flag bearer sa nalalapit na World Games 2025.

Gaganapin ang kompetisyon sa Chengdu, China simula August 7 hanggang August 17, 2025.
Kinumpirma ito ng Philippine Olympic Committee o POC matapos ang pagpupulong ng executive board nito noong July 25.
Isa si Wong sa mga pinakamatagumpay na wushu athletes sa bansa. Bitbit niya ang dalawang silver medals mula sa World Wushu Championships; limang gintong medalya sa Southeast Asian Games; at isang bronze medal naman sa 2018 Asian Games.
Makakasama ni Wong sa pangunguna ng Philippine team si Wakeboarding ace Raphael Trinidad.
Paparada sila sa opening ceremony kasama ang apatnapu’t dalawang pambato ng bansa sa labing isang iba’t ibang sports.
Bilang isang atleta na matagal nang humahakot ng karangalan para sa sa Pilipinas, inaasahang magdadala si Wong ng inspirasyon, hindi lamang sa mga kasamahan niyang manlalaro, kundi maging sa lahat ng kabataan at sa mas lumalawak pang wushu community sa bansa. #
