Pinoy Olympian Hidilyn Diaz, bigong mag-podium finish sa 33rd SEA Games

Bigong makakuha ng medalya ang 2020 Tokyo Olympics gold medalist na si Hidilyn Diaz sa kanyang pagbabalik sa Southeast Asian (SEA) Games.
Ito ay makaraang magtapos si Diaz sa ikaapat na pwesto sa Women’s 58 kilogram division sa Chonburi Sports School sa Thailand.
Naitala niya ang kabuuang 200 kilograms mula sa 90 kg sa snatch at 110 kg sa clean and jerk.
Ginawa raw ng pambato ng Pilipinas ang kanyang makakaya pero aminado rin siya na naapektuhan ang kanyang performance dahil sa injury sa kanang tuhod at sa halos dalawang taong hindi pakikipagkompetensya.
Maayos ang naging simula ni Diaz sa kanyang unang dalawang lifts sa snatch, subalit nabigo sa huling attempt at sa dalawang huling lifts sa clean and jerk na sana’y nagbigay sa kanya ng tsansang makasungkit ng medalya.
Sa kabila ng kabiguan, ipinahayag ng atleta ang determinasyon na bumawi sa mga susunod na torneo, kabilang na rito ang Olympic qualifiers para sa Los Angeles Games sa susunod na taon.
Samantala, nasungkit ng pambato ng Thailand ang gintong medalya sa kompetisyon na nakapagtala ng kabuuang 224 kg, habang Indonesia naman ang nakakuha ng silver na may 218 kg. #
