Pilipinas, nanawagan ng diplomasya sa Middle East; kaligtasan ng mga OFW, tinututukan
Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Pilipinas sa patuloy na lumalalang sigalot sa Middle East na kinasasangkutan ng mga bansang Iran, Israel, at Amerika.
Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo, June 22, na dapat pairalin ang diplomasya para maiwasan ang mas malawak na kaguluhan na maaaring maging banta sa kapayapaan ng rehiyon at buong mundo.

Binigyang-diin ng DFA na pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pinoy na nasa ibang bansa, lalo na ang tinatayang 2.2 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East.
Sa Israel, may halos 30,000 Pilipino na karamihan ay nagtatrabaho bilang caregiver at domestic helper. Sa Iran naman, may mahigit sa 1,100 Pilipino na karamihan ay asawa ng mga lokal.
Tiniyak ng DFA na nakaalerto ang mga embahada ng Pilipinas sa rehiyon upang agad na tumugon kung kakailanganin ang repatriation assistance sa mga kababayang apektado ng tensyon.
Sa kasalukuyan, nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Israel at Iran na nangangahulugang pinapayagan ang voluntary repatriation.
Nanindigan ang pamahalaan na patuloy nitong isusulong ang mapayapang solusyon sa hidwaan at hinimok ang mga sangkot na bansa na umiwas sa karahasan.
Nanawagan din ito sa publiko na manatiling maingat sa pagkalap ng impormasyon at sumangguni sa mga official statement para sa tamang gabay.
Ang pahayag na ito ng DFA ay kasunod ng ulat ng pagbomba ng US sa mga nuclear facility ng Iran, habang nagpapatuloy ang girian laban sa Israel sa ikalawang linggo ng tensyon. #
