Pilipinas, nagpaabot ng tulong matapos ang lindol sa Myanmar
Tumungo na papuntang Myanmar ang unang 58 sa 91 Philippine contingent na ipadadala ng bansa upang magbigay ng humanitarian assistance doon matapos itong yanigin ng magnitude 7.7 na lindol nitong March 28, 2025.

Pinangunahan nina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, at Philippine Air Force (PAF) Commanding General Lt. Gen. Arthur Cordura ang send-off ceremony sa Villamor Air Base sa Pasay City ngayong Martes, April 1. Ang natitirang 33 katao ay ipadadala naman sa Miyerkules, April 2.

Ang naturang contingent ay binubuo ng Urban Search and Rescue Teams mula sa Philippine Army, PAF, Bureau of Fire Protection (BFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Environment and Natural Resources (DENR), maging ang medical team ng DOH at coordinators mula sa OCD. May dala silang search and rescue equipment, medical supplies, at iba pang mahahalagang kagamitan para sa relief operations.
Kasama rin sa gagawing misyon ang 40 tauhan ng PAF bilang aircrew, aeromedical personnel, at aircraft security. #