Pilipinas, magiging host country para sa Fédération Internationale de Volleyball Women’s World Championship 2029
By Ches Evangelista, CLTV36 News

Isang makasaysayang anunsyo ang inilabas ng Fédération Internationale de Volleyball (FIVB) nitong Linggo, September 28, sa SM Mall of Asia Arena matapos ideklara ni FIVB President Fabio Azevedo at Brazilian volleyball superstar Leila Barros na ang Pilipinas ang magiging host country ng FIVB Women’s World Championship 2029.
Inihayag ito bago magsimula ang gold medal match ng Italy at Bulgaria, kung saan nagpaabot ng pasasalamat si Azevedo sa mainit na pagtanggap at suporta ng mga Pilipino sa world championships.
Hindi rin maitago ang kasiyahan at pagkabigla ng Alas Pilipinas Women’s Team na pinangungunahan nina Jia de Guzman at Dawn Catindig, kasama ang kanilang coach na si Jorge de Brito, nang ianunsyo ang balitang ito sa harap ng libu-libong volleyball fans. Para sa kanila, isang malaking inspirasyon ang ganitong pagkilala na tiyak na magbibigay ng dagdag na motibasyon sa kanilang paglalaro at pagsasanay.
Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio, ang long-term partnership ng FIVB at Volleyball World ay hindi lamang makakatulong sa pagpapaunlad ng mga atleta kundi magsisilbing malaking hakbang din para sa sports tourism sa bansa.
Dagdag pa niya, ang inisyatibong ito ay magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga local player, magbibigay ng imahe sa Pilipinas bilang global hub for volleyball, at magsisilbing historic blueprint para sa sports development ng bansa.
Ang FIVB Women’s World Championship 2029 na gaganapin sa Pilipinas ay bahagi ng mahigit 20 international volleyball events na nakatakdang isagawa mula 2026 hanggang sa Brisbane Olympics sa 2032. #
