Philippine Quality Award ng DTI, ipinagkaloob sa Pampanga State Agricultural University
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern

Pinarangalan ang Pampanga State Agricultural University (PSAU) matapos nitong makamit ang Philippine Quality Award (PQA) Level 2: Proficiency in Quality Management mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Pormal na ipinagkaloob ang parangal noong March 26, sa Hon. Rafael L. Lazatin Memorial Audio-Visual Center, PSAU, kung saan dumalo rin ang mga kinatawan mula sa DTI Region 3.
Isang awarding ceremony naman ang isinagawa nitong Miyerkules, April 2, sa Sacop Epatha Conference Hall kung saan dumalo sina Dr. Anita G. David, PSAU President, at Ms. Glenda Marie T. Maniago, Quality Management System Unit Head.

Ang pagkilalang ito ay patunay raw ng kanilang pagsusumikap na mapanatili at mapaunlad ang kalidad ng edukasyon at operasyon ng unibersidad.
Ipinapakita rin nito ang matibay na ugnayan ng PSAU sa mga ahensyang nagsusulong ng kahusayan at pag-unlad sa sektor ng edukasyon.
Bilang suporta sa Sustainable Development Goals (SDG) 4: Quality Education at SDG 9: Industry, Innovation, and Infrastructure, patuloy na pinalalakas ng PSAU ang kanilang dedikasyon sa academic excellence, institutional innovation, at pagpapahusay ng kanilang mga proseso upang mapanatili ang pagiging huwarang institusyon. #