Philippine basketball team, kampeon sa 14th ASEAN School Games

Undefeated hanggang sa dulo ang Philippine boys basketball team matapos ang umaatikabong laban kontra Malaysia sa 14th ASEAN School Games sa Brunei.
Nagtapos ang laro sa score na 90-86 na nagpatunay ng dominasyon ng koponan ng Pilipinas sa Southeast Asia.
Kabilang sa koponan ang apat na Kapampangan na kilala bilang “Delta Boys” — sina Janriel Montes, Migz Lugtu, Chog Moral, at Jansen Zapata. Pinabilib nila ang mga manonood sa kanilang aggressive defense at smart plays.
Sa final game, maagang ipinakita ng Philippine team ang kanilang tikas at inangkin ang first three quarters.
Pero hindi nagpatalo ang Malaysia at nakabawi sa huling quarter sa pamamagitan ng sunod-sunod na three points dahilan para umabot ang laban sa overtime.
Bago ito, na-eject pa ang key scorer ng bansa na si Moral dahil sa dalawang technical fouls.
Sa kabila nito, hindi naantala ang momentum ng Team Philippines sa extra period sa tulong nina Rhysus Rafael Bajenting at Rene Clert Baterbonia.
Si Moral pa rin ang nanguna sa scoring ng Team Pilipinas na nakapagtala ng 27 points, habang sina Baterbonia at Bajenting ay nagdagdag naman ng 21 at 20 points.
Sa panalong ito, muling isinulat ng bansa ang kasaysayan ng ASG at pinatunayan na isa sila sa mga powerhouse ng basketball sa Southeast Asia. #
