PhilHealth Konsulta Caravan, umarangkada sa Wesleyan University
Mahigit 1,000 estudyante, magulang, at empleyado ng Wesleyan University-Philippines (WUP) ang nakatanggap ng libreng serbisyo mula sa PhilHealth ID at Konsulta Caravan na isinagawa sa naturang pamantasan nitong June 27.
Isinagawa ang aktibidad sa pagtutulungan ng PhilHealth Cabanatuan at WUP upang mapalawak ang access sa healthcare service.
Ilan sa mga serbisyong ibinigay ay ang PhilHealth registration at updating of records, ID issuance, health risk screening, consultation, laboratory at diagnostic services, at mga gamot.


Personal na nakiisa sa aktibidad sina University President Dr. Irineo Alvaro Jr. at Vice President for Academic Affairs Wilfredo Ramos, na parehong sumailalim sa Konsulta services mula sa Wesleyan University-Philippines Hospital na isang accredited Konsulta provider.
Pinasalamatan naman ni PhilHealth Region 3-B Acting Branch Manager Arlan Granali ang unibersidad sa aktibong pakikilahok nito at ipinagkaloob ang Konsulta Capitation Check bilang pagkilala sa suporta ng ospital sa Universal Health Care. #
