PH Women’s Football Team, muling maglalaro sa FIFA World Cup
Muling sisipa sa pinakamalaking entablado ng women’s football ang Philippine Women’s National Football Team matapos masungkit ang pwesto sa 2027 FIFA Women’s World Cup.
Ito’y makaraang manaig ang koponan sa score na 2-0 kontra bansang Uzbekistan sa play-in ng AFC Women’s Asian Cup.
Nabasag ng Filipinas ang deadlock sa ikalawang bahagi ng laro nang maitala ang una nitong goal sa ika-47 minuto mula sa assist ni Jael Guy.
Sinelyuhan naman ni Jackie Sawicki ang panalo matapos madagdagan ang lamang ng koponan.
Ito na ang ikalawang sunod na lalahok ang Pilipinas sa FIFA Women’s World Cup matapos ang makasaysayang debut ng koponan noong 2023.
Hindi naging madali ang kampanya ng Filipinas sa torneo matapos silang mabigo sa unang dalawang laban kontra Australia at South Korea.
Gayunman, bumawi ang koponan sa mahalagang 2–0 win laban sa Iran upang manatiling buhay ang tsansa nilang umabante.
Nakapasok ang Pilipinas sa knockout stage ngunit natalo sa Japan sa quarterfinals, dahilan upang dumaan sila sa play-in round kung saan nila tuluyang nakuha ang tiket patungong World Cup.
Gaganapin ang susunod na edisyon ng FIFA Women’s World Cup sa 2027 sa Brazil, kung saan muling hangad ng Filipinas na ipakita ang lakas at determinasyon ng Pinay footballers sa pandaigdigang entablado. #
