PH football team, wagi kontra Syria sa AFC U-17 Women’s Asian Cup Qualifiers

Tinambakan ng koponan ng Pilipinas ang bansang Syria sa kanilang unang laban sa AFC U-17 Women’s Asian Cup Qualifiers na ginanap sa Pamir Stadium sa Dushanbe, Tajikistan nitong Lunes, October 13.
Pinangunahan ni Ariana Enderes ang young Filipinas matapos agad na makapuntos sa unang apat na minuto ng laro at muling umiskor bago magtapos ang 1st half.
Pagpasok ng 2nd half, tuloy-tuloy ang pag-atake at mas nag-init ang opensa ng Pilipinas nang magpakawala si Kaida Mizzo ng matitinding tira. Sinundan naman agad ito ng isang goal mula kay Louraine Evangelista.


Samantala, idinagdag naman ni Sofhia Muros ang huling goal sa dulo ng laro upang tuluyang selyuhan ang laban.
Sa kabuuan, tinambakan ng Philippine team ang Syria sa score na 5-0 at inangkin ang unang panalo sa torneo.
Dahil dito, nangunguna ngayon ang Pinas sa Group A na may three points at +5 goal difference, kasunod ng Malaysia na tinalo ang host country na Tajikistan sa score na 2-0.
Susunod na makakaharap ng Young Filipinas ang Tajikistan ngayong Miyerkules, October 15.
Target nila ngayong makuha ang top spot upang makapasok sa 2026 AFC U-17 Women’s Asian Cup na gaganapin sa China mula April 30 hanggang May 17. #
