PH Embassy sa The Hague, pinuri ni Escudero sa tulong kay FPRRD

Pinuri ni Senate President Francis āChizā Escudero ang Philippine Embassy sa The Hague sa kanilang mabilis at masigasig na pagtulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nang dumating siya sa Netherlands upang humarap sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Ayon kay Escudero, ipinakita ng ating embahada ang tunay na diwa ng malasakit at bayanihan sa pagbibigay ng winter clothing, care packages, at iba pang suporta sa dating Pangulo. Aniya, patunay ito ng dedikasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na matiyak ang kapakanan ng bawat Pilipino sa ibang bansa, anuman ang kanilang kalagayan.
Pinasalamatan din niya si Ambassador Jose Eduardo Malaya III sa pagsisikap na tiyakin ang kaginhawaan ni ex-President Digong. Kasama rito ang pag-aasikaso ng mga visa ng delegasyon, pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Netherlands, at pagtugon sa medical needs ni Duterte habang inilipat siya sa ICC Detention Center.
āTheir proactive and thoughtful actions, from providing essential items to coordinating with Dutch authorities, demonstrate the highest standards of public service,ā saad ni Escudero.
Naniniwala at umaasa rin si Escudero na ibibigay rin ng embahada ang parehong pagtrato kay Vice President Sara Duterte, na dumating sa The Hague umaga nitong Miyerkules, March 13, pati na rin sa iba pang miyembro ng pamilya na bibisita.
Samantala, binigyang-diin naman niya ang mahalagang papel ng DFA at mga embahada nito sa buong mundo sa pangangalaga sa mga Pilipino sa ibang bansa. Ayon sa kanya, ang ipinakitang malasakit ng Philippine Embassy sa Netherlands ay isang patunay ng world-class na serbisyo ng mga Pilipino ā isang bagay na nararapat ipagmalaki at pasalamatan. #