Petro Gazz Angels, champion sa PVL All Filipino Conference
By Rhandol Nixon Lapuz, CLTV36 News intern
Gumawa ng kasaysayan ang Petro Gazz Angels matapos makuha ang kanilang kauna-unahang All Filipino championship mula sa kamay ng Creamline Cool Smashers sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) nitong Sabado, April 12, sa PhilSports Arena, Pasig.

Full-tank na tumapak sa do-or-die game 3 ang Angels kaya mabilis na tinapos ang serye sa iskor na 25-21, 25-16, 23-25, 25-19. Pinangunahan ni Season MVP Brooke Van Sickle ang koponan bitbit ang kanyang 21 points, 9 digs, at 18 receives. Tumulong din sa opensa sina Jonah Sabete at MJ Phillips na may 16 at 15 points.

Tinanghal na Finals Most Valuable Player si middle blocker MJ Phillips.


Bigo naman ang Cools Smashers na masungkit ang dapat sana’y 5-straight championship ng koponan. Hindi naging sapat ang all-around performance ni Best Outside Spiker Bernadeth Pons na nagtala ng 17 points para i-extend ang laban.


Pitong taon ang hinintay ng Angels bago mapasakamay ang inaasam na All Filipino title. Ito na ang ikatlo nilang kampeonato sa nasabing liga. #