Performance-based bonus ng Philippine Army, aprubado na ng gobyerno

Aprubado na ng pamahalaan ang pag-release ng ₱1.64 billion para sa 2023 Performance-Based Bonus (PBB) ng mahigit 110,000 na kwalipikadong opisyal at kawani ng Philippine Army.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman, kinikilala ng gobyerno ang dedikasyon at sakripisyo ng bawat sundalo na patuloy na nagtatanggol sa kapayapaan at seguridad ng bansa.
Sa ilalim ng PBB, lahat ng kwalipikadong Army personnel ay tatanggap ng bonus na katumbas ng 45.50% ng kanilang basic monthly salary, as of December 31, 2023.
Upang makuha ang benepisyo, kailangan may hindi bababa sa very satisfactory rating ang Army officers at employees sa ilalim ng Civil Service Commission Strategic Performance and Management System.
Manggagaling ang pondo nito sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund under the Fiscal Year 2025 General Appropriations Act.
Samantala, ipinapanukala ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na dagdagan ang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Target ng kalihim na umabot sa 220,000 ang bilang ng AFP personnel sa loob ng sampung taon.
Sa ngayon, nasa 160,000 troops ang bumubuo sa tatlong major services na Army, Navy, at Air Force. Sosolusyunan daw ng karagdagang sundalo ang kakulangan hindi lamang sa frontline operations kundi pati na rin sa supply, planning, intelligence, at maintenance offices.
Dagdag pa ng Kalihim, ang ideal na bilang para sa 120 million na populasyon at mahigit 7,000 na isla ng Pilipinas ay nasa 360,000 na sundalo. Gayunpaman, aminado si Teodoro na hindi ito posible sa ngayon bunsod ng kakulangan sa pondo. #
