Pencak silat athlete na si Kram Carpio, nakuha ang first gold ng Pinas sa 3rd Asian Youth Games

Muling nagningning ang bandila ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado matapos masungkit ni Kram Carpio ang unang gintong medalya ng bansa sa 3rd Asian Youth Games na ginaganap sa Manama, Bahrain.
Ipinamalas ni Carpio ang pambihirang lakas at husay sa Pencak Silat matapos dominahin ang girls’ 51–55 kilogram division, kung saan tinalo niya ang pambato ng Indonesia sa finals sa score na 33–19.
Bago ang gintong laban, sunod-sunod na pinabagsak ni Carpio ang mga kinatawan mula sa mga bansang Iran, India, at Kazakhstan sa kanyang paglalakbay patungong finals.
Ayon sa Philippine Olympic Committee, patunay ang panalo ni Carpio na patuloy na umuusbong ang mga kabataang atleta ng Pilipinas.
Giit pa ng komite, dapat ipagpatuloy ang mga programang nagpapalakas sa grassroots sports development upang mas mahubog at mahasa pa ang kakayahan ng mga young athlete.
Sa tagumpay na ito, nasungkit ni Carpio hindi lamang ang unang medalya ng bansa sa kasalukuyang edisyon ng Asian Youth Games, kundi ang ikatlong ginto ng Pilipinas sa kabuuang kasaysayan ng torneo.
Sa kasalukuyan, nasa 3rd spot ang Pilipinas sa medal standings kasunod ng Indonesia at Uzbekistan, na kapwa may limang ginto.
Huling nakapag-uwi ng dalawang gintong medalya ang bansa noong 2013 sa Nanjing, China, habang isang pilak at isang tanso lamang ang nakuha sa unang edisyon nito sa Singapore.
Ang 3rd Asian Youth Games, na nagsimula ngayong Miyerkules, October 22, ay magtatapos sa susunod na Biyernes, October 31. #
