PDP-Laban, naghain ng petisyon laban sa internet voting; Comelec, handang harapin ang kaso
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Nakahanda ang Commission on Elections (Comelec) na harapin ang petisyon sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng Internet voting para sa halalan sa May 12.
Inihain ng Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP-Laban) ang naturang petisyon dahil labag umano sa batas ang paggamit ng digital ballots.

Handa namang sagutin ni Comelec Chairperson George Garcia ang mga kasong isinampa laban sa kanila. Gayunpaman, itutuloy pa rin daw nila ang internet voting sa 77 posts sa ibang bansa.
“We are ready to face the case filed against us and to have an interpretation if we are right or wrong,” ani Garcia.
Depensa ni Garcia, pinapayagan ng Republic Act (RA) 10590 o Overseas Voting Act ang COMELEC na sumubok ng ibang paraan ng pagboto.

“The Commission may explore other, more… systems, ensuring the secrecy and sanctity of the entire process, whether paper-based, electronic-based or internet-based technology or such other latest technology available, for onsite and remote registration and elections,” base sa Section 28 ng RA 10590.
Sa kasalukuyan, nasa 19,000 overseas Filipino na ang rehistrado sa sistema ng Comelec. Tiniyak rin ng komisyon na hindi naantala ang operasyon nila sa paghahanda sa internet voting. #