Patuloy na operasyon ng Kalangitan Sanitary Landfill, kinatigan ng korte
Muling kinatigan ng hukuman ang patuloy na operasyon ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC) sa Kalangitan Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac.
Ito’y sa gitna ng umiiral na legal dispute sa pagitan ng nasabing kumpanya at ng Clark Development Corporation (CDC) at Bases Conversion Development Authority (BCDA).
Sa inilabas na 20-day Temporary Restraining Order (TRO) ng Capas Regional Trial Court (RTC) noong November 28, 2024, pinagbawalan ang CDC at BCDA na pigilan ang MCWMC sa pagpapatupad ng kanilang waste management contracts.
Inaatasan din ng korte ang mga respondent ng CDC kabilan na sina Chief Executive Officer and President Agnes VST Devanadera, gayundin ang mga miyembro ng Board of Directors kasama ng iba pang mga opisyal, empleyado, o kanilang kinatawan na itigil at ipagbawal ang anumang uri ng panghihimasok sa mga operasyon ng MCWM.
Pinagbabawalan din sila na gumawa ng mga hakbang upang pigilan ang publiko sa paggawa ng business transaction sa MCWM o hadlangan ang mga LGU at pribadong kumpanya na may kontrata sa waste management company na gamitin ang kanilang mga serbisyo.
Lahat ng aksyon na magdudulot ng panghihimasok sa operasyon ng MCWM ay ipinagbabawal hanggang sa maresolba ang aplikasyon para sa Writ of Preliminary Injunction.