“Parul San Fernando”, tampok sa isang exhibit sa Japan
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Tampok ang mga giant lantern ng City of San Fernando, Pampanga sa Central Luzon portion ng Philippine Pavillion sa Expo 2025 sa Osaka, Japan.
Ang “Parul San Fernando” ang napiling kumatawan sa mayamang kultura at husay sa sining hindi lamang ng lungsod kundi ng buong rehiyon.
Sa mga larawang ibinahagi ng Tourism Promotions Board (TPB) of the Philippines at iba pang bumisita sa exhibit, makikitang naka-display ang isang handwoven art piece na nagtatampok sa mga makukulay na parol.

Kahanay nito ang iba pang display na nagrerepresenta naman sa yaman at atraksyon ng ibang rehiyon sa Pilipinas kabilang ang Bicol, MIMAROPA, at CALABARZON.
Sa kabuuan, 18 art pieces na gawa sa tradisyunal na mga materyal, tulad ng abaca, ang nasa loob ng pavillion na sumasalamin sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), layon ng exhibit na ipagmalaki sa global stage na “always in motion, always evolving, always expressive” ang mga Pilipino. #