Parade uniform ng Team PH sa 2025 SEA Games, ipinasilip ng Philippine Olympic Committee

Ipinakita na ng Philippine Olympic Committee (POC) sa publiko ang opisyal na parade uniform na isusuot ng mga delegado ng bansa para sa 33rd Southeast Asian Games (SEAG) na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa darating na December 9.
Ang elegante at makabuluhang disenyo ay likha ng kilalang designer na si Avel Bacudio, na tanyag sa paggamit ng mga lokal na materyales at disenyong kumakatawan sa pagka-Pilipino.
Ayon sa POC, layunin ng kasuotan na ipakita ang pagkakaisa at national identity ng mga atletang Pilipino habang sumasabak sa international stage.
Naka-pulang uniporme ang mga atleta, samantalang asul naman ang mga opisyal at coaches. Parehong tampok sa kanilang kasuotan ang nakaburdang watawat ng Pilipinas at logo ng POC, kalakip ang yellow and white accent bilang simbolo ng kulay ng bandila.
Ginamit sa mga disenyo ang mga telang hinabi mula sa piña, abaca, bamboo, water lily, at saluyot fibers na gawa ng mga komunidad mula sa Tawi-Tawi, Ilocos, at Bacolod.
Ayon kay Bacudio, ang koleksiyon ay hinango sa bawat isla ng Pilipinas, na pinagsama ang traditional at modern style upang ipakita ang galing, tapang, at dangal ng mga Pilipinong atleta.
Lalahok ang Team Philippines sa lahat ng 50 sports events ng SEA Games na idaraos sa Bangkok, Chonburi, at Songkhla sa Thailand. #
