Paputok sa holiday season: Kaligtasan o kabuhayan?
Tuwing holiday season, magkasalungat ang mensahe ng pamahalaan tungkol sa paggamit ng paputok. Mahigpit ang kanilang kampanya laban sa delikado at ilegal, ngunit kailangan din nilang pangalagaan ang kabuhayan ng mga negosyante, lalo na sa Bulacan na kilala bilang sentro ng lokal na industriya ng paputok.
Batay sa umiiral na polisya, hindi total ban ang ipinatutupad kundi regulated use, kung saan may mga paputok na bawal at mayroon ding pinapayagan basta pasado sa pamantayan ng PNP at Department of Trade and Industry (DTI).
Sa datos ng Department of Health (DOH), umaabot sa mahigit 1,000 ang firecracker-related injuries taun-taon bago ang pandemya at karamihan dito ang mga bata at kabataang lalaki. Kaya naman, inuuna ng gobyerno ang kampanya sa kaligtasan at pagsusulong ng “alternative noisemakers” imbes gumamit ng tradisyunal na paputok.
Sa bayan ng Bocaue, sinabi ng mga retailer sa CLTV36 News na nakakalito ang umiiral na polisiya. Mas malinaw umano sa kanila kung ipagbawal ang delikadong paputok sa halip na magbigay ng impresyon ng total ban na direktang nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Dagdag pa nila, lalo pang humihina ang kita ng mga lehitimong negosyante dahil sa pagdami ng online sellers at puslit na imported fireworks na kadalasang mas mura pero hindi naman dumadaan sa inspeksyon.
Para sa lokal na industriya, nananatiling hamon ang pagbabalanse sa kaligtasan ng publiko nang hindi naaapektuhan ang kanilang kabuhayan tuwing panahon ng kapaskuhan. #
