Papel ng mga guro tuwing eleksyon, kinilala ni DepEd Sec. Angara
Pormal nang nilagdaan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Elections (Comelec) ang kanilang kasunduan para sa nalalapit na eleksyon sa May 12.

Isinagawa ang signing ng kanilang Memorandum of Agreement (MOA) sa Chairman’s Hall, Palacio del Gobernador, Intramuros, Manila nitong Biyernes, April 4. Kasabay nito, nilagdaan din ang kasunduan sa pagitan ng Comelec, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP).
Sa naturang aktibidad, binigyang-diin ni DepEd Secretary Sonny Angara ang mahalagang papel ng mga guro sa pagtiyak ng malinis at maayos na halalan.

Aniya, handang makipagtulungan ang kagawaran sa Comelec upang maisakatuparan ang isang tapat at makabuluhang proseso ng botohan.
Nagpasalamat din si Angara sa maagang hakbang ng Komisyon sa pagsasanay ng libu-libong guro na nagsisilbing tagapangalaga tuwing halalan.
Ang kasunduan ay bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng DepEd at Comelec upang bigyang proteksyon at suporta ang mga gurong itatalaga sa mga presinto sa darating na halalan. #