Papel ng mga guro sa nagdaang Halalan 2025, kinilala ni DepEd Sec. Angara
Kinilala ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang naging malaking ambag ng mahigit sa 660,000 na guro at school staff na nagsilbing poll workers sa nagdaang 2025 National and Local Elections nitong Lunes, May 12.
Naging bahagi sila ng halos 760,000 personnel na na-deploy sa iba’t ibang panig ng bansa upang matiyak ang maayos na halalan.
Muling iginiit ng DepEd ang kahalagahan ng papel ng mga guro sa kabuuang proseso ng halalan at ang patuloy nitong suporta sa kanilang kapakanan at seguridad.
“These are not just public servants, they are frontliners of democracy,” ani Secretary Angara.
Samantala, umabot sa 603 election-related incidents sa buong bansa ang natanggap ng DepEd Election Task Force (ETF) sa kasagsagan ng eleksyon mula May 11 hanggang 13, ngunit karamihan sa mga ito ay agad namang naresolba sa tulong ng mga regional at division ETF team.
Ayon sa DepEd, kabilang sa mga pangunahing isyung naiulat ay ang mga aberya sa vote counting machines (VCMs), problema sa mga balota at resibo, at kalituhan sa listahan ng mga botante. Pinakamarami umanong reklamo ang nagmula sa Region IX, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at National Capital Region (NCR).
Agad namang inendorso ng ETF ang iba pang mas kumplikadong kaso sa Commission on Elections (Comelec) para sa kaukulang aksyon. Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ng DepEd na naging mapayapa at maayos ang kabuuang takbo ng halalan, batay na rin sa pagsusuri ng Comelec at iba pang ahensya. #
