Panukalang pag-alis sa travel tax, itinuturing na hakbang sa economic reform at ASEAN compliance
Inirekomenda ni Senador Joel Villanueva ang pag-alis ng travel tax bilang bahagi ng economic reform at pagtupad sa kasunduan ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon sa senador, malaking bahagi ng gastusin ng mga Pinoy sa pag-travel sa ibang bansa ang nasasayang sa naturang buwis. Nararapat na raw itong alisin lalo na’t bahagi na ng ASEAN Tourism Agreement ang unti-unting pagtanggal ng mga travel levy sa mga kasaping bansa.
Giit pa ng mambabatas, nagiging hadlang ang travel tax sa mas malayang paggalaw ng mga mamamayan sa rehiyon, at higit na naaapektuhan ang mga pamilya sa lower at middle income, lalo na ’pag sabay-sabay silang bumibiyahe.
Kaugnay niyan, nais ni Villanueva na tuluyang alisin ang buwis sa mga Pilipino at mamamayan ng ASEAN region na bumibiyahe sa loob ng rehiyon sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Bill No. 1529.
Giit niya, ang travel tax ay orihinal na ipinatupad noong panahon na ang pag-travel sa ibang bansa ay itinuturing na luho lamang. Pero sa kasalukuyan, bahagi na raw ito ng pang-araw-araw na economic and social activity ng mga Pinoy.
Ito aniya ang rason kung bakit nararapat na umangkop ang patakaran sa kasalukuyang sitwasyong pang-ekonomiya upang mas mapagaan ang gastusin ng mga mamamayan sa kanilang paglalakbay. #
