Panukalang Filipino citizenship ng Chinese na konektado sa POGO, ibinasura ni PBBM
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Ibinasura ni President Ferdinand Marcos, Jr. ang panukalang batas na gawing naturalized Filipino citizen si Li Duan Wang, isang negosyanteng Chinese na iniuugnay sa ilegal na operasyon ng mga ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi ipinagwalang-bahala ng Pangulo ang mga babala at agad niyang kinonsidera ang ulat at rekomendasyon mula sa mga ahensyang nagpahayag ng seryosong pag-aalinlangan sa integridad ni Wang.
Ani Castro, ang naturalization ay isang pribilehiyo, hindi karapatang basta na lamang ipinagkakaloob, lalo na kung may kaduda-dudang motibo. Dagdag pa niya, para sa Pangulo, ang pagkakaloob ng Filipino citizenship ay hindi lamang usaping legal, kundi isang pagkilalang may kaugnayan sa kasaysayan, lahi, at pamana ng mga Pilipino.
Bagama’t inaprubahan ng Kongreso ang naturang panukala, hindi umano ito nilagdaan ni Marcos, Jr. at tuluyang ibinasura upang protektahan ang kapakanan at seguridad ng bansa.
Matatandaan na isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros sa isang pagdinig sa Senado na si Wang ay naging incorporator ng New Oriental Club 88 Corporation, isang POGO service provider na ipinasara noong 2019 dahil sa paglabag sa batas. #