Pantay na benepisyo at oportunidad para sa mga babaeng magsasaka, tiniyak ng DAR
By Rhandol Nixon Lapuz, CLTV36 News intern
Kinilala ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mahalagang papel ng kababaihan sa sektor ng agrikultura sa pagdiriwang nila ng National Women’s Month nitong Martes, March 25.
Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella III, may malaking kontribusyon ang mga babaeng magsasaka sa food self-sufficiency program ng ahensya at sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa. Aniya, sila ang katuwang sa pagsisigurong may sapat na pagkain sa hapag-kainan ang bawat pamilyang Pilipino.


Kamakailan, inilunsad ng DAR ang isang patakaran na nagbibigay ng pantay na karapatan sa pagmamay-ari ng lupa sa mag-asawang magsasaka. Sa ilalim ng bagong panuntunan, kikilalanin na ang kabiyak bilang “co-owner” ng lupa sa halip na “married” lamang ang nakalagay sa Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Republic Act No. 9710 o Magna Carta for Women.
Bukod dito, ipinagmalaki rin ng ahensya ang kanilang Value-Chain Innovation for Sustainable Transformation in Agrarian Reform Communities (VISTA)—isang programa na naglalayong labanan ang kahirapan at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga pamilyang magsasaka.
Sa huli, muling tiniyak ng DAR ang patuloy nitong suporta sa mga babaeng magsasaka. Layunin din ng ahensya na palawakin pa ang mga programa upang matiyak ang pantay na benepisyo at oportunidad para sa kanila sa mga susunod na proyekto. #