Panic buying, hindi kailangan; suplay ng langis at basic goods, sapat pa rin: Malacañang
Tiniyak ng Malacañang na sapat ang suplay ng langis at mga pangunahing bilihin sa bansa at walang dahilan para mag-panic buying.

Ito’y sa gitna ng pangamba sa posibleng epekto ng tensyon sa Middle East.
Sa press briefing sa New York, USA nitong March 10, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na wala pang naitatalang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
“Sa ngayon po, ang sabi naman po, tulad ng aking sinabi kahapon sa DTI, wala naman daw po movement ng price sa mga basic commodities natin sa NCR at sa ibang mga region,” ani Castro.
Kaugnay niyan, binigyang-diin ng kalihim na kung may mapansing hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng mga bilihin o produktong petrolyo, maaari itong i-report agad sa Department of Trade and Industry at Department of Energy.
Dagdag niya, bagama’t kailangang maging handa sa bunsod ng sitwasyon sa Middle East, tiniyak niyang hindi umano kailangan ang panic buying.
“Mahirap po talagang mag-speculate kung anong dapat gawin ng ating mga kababayan dahil sa nangyayari po ngayon. Pero ang nais lamang po ng pamahalaan ay talaga pong ihanda lang kung anong mangyayari sa atin dahil hindi po natin maiiwasan ito. Pero hindi po kailangan magkaroon ng panic buying dahil kumpleto naman po at enough pa po ang supply, lalong-lalo na ang ating fuel at ng ating mga basic commodities,” giit ni Castro.
Nagbabala rin ang Malacañang laban sa hoarding at profiteering dahil hahabulin umano ng batas ang sinumang mapatunayang nananamantala sa sitwasyon.
“Kapagka po kayo ay nahuli na lumalabag sa batas, nahuli na nag-hoard or umaksyon o gumawa ng isang profiteering, hindi po kayo tatantanan ng ating pamahalaan dahil kayo po mismo ay madedamanda at kakasuhan,” pahayag ng Palace Press Officer.
Matatandaang nagsimula na nitong Martes ang three-day staggered price increase sa mga produktong petrolyo. Inaasahang aabot sa mahigit ₱65 ang kada litro ang gasolina, higit ₱80 ang kada litro ng diesel, at nasa humigit-kumulang ₱120 naman kada litro ang kerosene pagsapit ng katapusan ng linggo. #
