Panibagong oil price hike, epektibo sa January 27

May dagdag-presyo na naman sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, January 27.
Sa abiso ng SEAOIL nitong Lunes, tataas ng ₱0.40 kada litro ang presyo ng gasolina. ₱1.40 naman ang dagdag sa kada litro ng diesel at ₱0.80 ang itataas ng presyo ng kerosene.
Epektibo ang dagdag-singil pagpatak ng 6 AM.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo ng price hike para sa gasolina, at ikaapat naman para sa diesel at kerosene simula nitong January 2026.
Ang oil price hike ay taliwas sa mga naunang pagsusuri, lalo na’t may mga projection ng sobrang suplay ng langis sa unang quarter ng taon.
Gayunpaman, sinabi ni Jetti Petroleum President Leo Bellas na nananatiling pabago-bago ang presyo ng langis dahil sa mga pansamantalang problema sa supply.
Kabilang dito ang pagtigil ng produksiyon sa dalawang malalaking oil field sa Kazakhstan, mga limitasyon sa export sa Black Sea, inaasahang pagtaas ng demand sa China, at mga isyu sa geopolitics sa Gitnang Silangan. #
