Pangalang ‘Jose Lapid Sports Complex’ sa Angeles City, kinuwestiyon ng AGOS
By Acel Fernando, CLTV36 News
Nagpahayag na apela ang grupong Advocates for Genuine and Outstanding Services (AGOS) sa Sangguniang Panlungsod ng Angeles City para muling suriin ang Ordinance No. 740, series of 2025 — isang batas na nagpapangalan sa sports complex sa Barangay Pampang bilang ‘Jose Lapid Sports Complex’.
Ayon sa AGOS, inaprubahan ang ordinansa nang hindi dumaan sa committee hearing, na maituturing na paglabag sa tamang legislative process. Dahil dito, kinuwestiyon ng grupo ang umano’y kakulangan sa deliberasyon, konsultasyon sa publiko, at transparency.
Sinabi rin ng grupo na walang malinaw o dokumentadong ebidensya na may proyekto, programa, o makabuluhang kontribusyon si Jose Songco Lapid sa Angeles City o Brgy. Pampang, taliwas sa nakasaad na ‘malaking ambag’ sa ordinansa.
Iginiit pa ng grupo, maaari itong lumabag sa Local Government Code at sa guidelines ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), dahil hindi dapat ipinapangalan ang pampublikong pasilidad na pinondohan ng bayan sa aktibong politiko o political family. Wala rin umanong local historical relevance ang ipinangalan.
Dagdag ng AGOS, dapat bigyang-halaga ang local identity at kasaysayan ng Angeles City, lalo’t marami umanong indibidwal at bayani ang may tunay na ambag sa lungsod.
Nagbabala rin ang grupo na maaaring maapektuhan ang reputasyon ng Angeles City bilang ehemplo ng good governance at transparency kung hahayaan ang isang ordinansang kulang umano sa proseso at ebidensya.
Nilinaw naman ng AGOS na ang kanilang apela ay hindi laban sa sinuman, isa raw itong panawagan para sa mas mataas na pamantayan ng pamamahala at pagrespeto sa batas para sa kapakanan ng Angeles City. #
