Pampanga Provincial Dialysis Center sa Guagua, binuksan na
By Rhandol Nixon Lapuz, CLTV36 News intern
Pormal nang binuksan ang Pampanga Provincial Dialysis Center sa bayan ng Guagua, Pampanga.
Pinasinayaan ng Kapitolyo ang bagong pasilidad na matatagpuan sa loob ng Diosdado Macapagal Memorial Hospital nitong Huwebes, April 3.

Bago binuksan ang nasabing dialysis center, binisita ito ni Governor Dennis ‘Delta’ Pineda, kasama sina Special Assistant to the Governor Angelina Blanco, Provincial Health Office Officer-in-Charge Dr. Dax Tidula, at DPMMH Chief of Hospital Dr. Fleur Zapanta upang magsagawa ng inspeksyon.

Ayon sa kapitolyo, handa nang magbigay-serbisyo sa mga kabalen sa District II ang nasabing center na may 43 dialysis machines. Produkto ito ng isang Public-Private Partnership (PPP) sa pagitan ng panlalawigang gobyerno at B. Braun Philippines.
Nakatanggap din ito ng pondo mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nagbigay ng ₱52.9-million para sa mga dialysis machine at Water Reverse Osmosis System, habang ₱29.3-million naman mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ginamit sa pagpapatayo ng building nito.

Ayon sa Provincial Health Office (PHO), maaaring makapag-avail ang mga pasyente ng hanggang 156 session kada taon gamit ang kanilang Philhealth coverage. Handa ring magbigay ng dagdag suporta ang center sa mga pasyenteng mangangailangan ng arteriovenous fistula procedure at iba pang maintenance medication. #