Pampanga Press Club, nanawagan ng pag-aresto sa pumatay sa journalist na si Jess Malabanan

Hustisya pa rin ang panawagan ng Pampanga Press Club (PPC) para sa mamamahayag na si Jesus “Jess” Malabanan, apat na taon matapos siyang mapatay habang nananatiling malaya ang itinuturong salarin sa krimen.
Muling umapela ang grupo sa Philippine National Police at Presidential Task Force on Media Security na ipatupad ang pag-aresto sa suspek na si Aries Salomon.
Giit ng PPC, mayroong ‘valid legal basis’ ang mga otoridad para habulin si Salomon, kabilang ang prosecutor’s resolution noong February 28, 2022 na nakakita ng probable cause, at ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 32 in Calbayog City noong March 28, 2022.
Si Malabanan ay pinaslang sa loob ng bahay ng kanyang ina sa Calbayog City, Samar noong December 8, 2021.
Bago ang insidente, tumutulong umano ang beteranong mamamahayag sa mga magsasakang humihingi ng tulong para sa kanilang mga kaso sa lupa.
Iginiit ng PPC na ang matagal na pag-iwas sa batas ng suspek at ang kabiguang maisakatuparan ang pag-aresto ay nagpapakita ng hayagang pagpatay at pag-atake sa media sa bansa. #
