Pampanga, iba pang lalawigan sa Central Luzon, pinarangalan ng Commission on Population and Development
Kinilala ng Commission on Population and Development (CPD) ang ilang lalawigan sa Central Luzon, kabilang ang Pampanga, para sa mahusay na pagpapatupad ng Local Government Units (LGUs) ng mga programa kaugnay ng population and development.

Sa The Outstanding Population Structures (TOPS) Year 5 awarding, pinarangalan bilang Best Population Structure ang probinsya ng Zambales, Pampanga, at Bulacan; habang nakuha ng Mabalacat City, San Jose City, at Malolos City ang para sa city category ng award, at ang Guiguinto (Bulacan), Samal (Bataan), at Candelaria (Zambales) naman sa municipality category.

Namayagpag naman ang probinsya ng Bataan bilang Best in Responsible Parenthood and Family Planning, kasunod ang Pampanga at Zambales. Sa hanay ng mga lungsod, nanguna ang Mabalacat City na sinundan ng San Jose City at Malolos City. Para naman sa mga bayan, itinanghal na pinakamahusay ang Candelaria, Zambales, pumangalawa ang Guiguinto, Bulacan, at pumangatlo ang Abucay, Bataan.

Nakuha naman ng Bataan, Zambales, at Bulacan ang Best in Population and Development Integration Award. Sa city category, muling nanguna ang Mabalacat City, habang nasa ikalawang pwesto ang Malolos City, at ikatlo ang San Jose City. Para sa municipal category, nanguna ang Samal, Bataan, na sinundan ng Guiguinto at San Ildefonso, Bulacan.
Itinanghal din ang probinsya ng Pampanga bilang pangalawa sa Best in Adolescent Health and Development (Province Category), kasunod ng Bataan at sinusundan ng Zambales.

Sa city category ng parehong award, nanguna ang Mabalacat City na sinundan ng Balanga City at San Jose City. Sa municipal category, pumangalawa ang Candaba, Pampanga, habang nasa ikatlong pwesto ang Pilar, Bataan, at itinanghal na kampeon ang San Miguel, Bulacan.
Sa huli, ginawaran ng Hall of Fame Award ang lalawigan ng Bataan matapos nitong manguna sa iba’t ibang kategorya sa loob ng maraming taon.

Layunin ng TOPS Awards na kilalanin ang mga LGU na may makabago at epektibong programa, alinsunod sa Philippine Population and Development Plan of Action ng 2023-2028. Pinahahalagahan dito ang inobasyon at pangkalahatang epekto ng mga proyekto na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan sa populasyon. #