PamCham, nanawagan sa DSWD at LGUs na aksyunan ang talamak na paggamit ng fake PWD IDs
Ikinababahala ngayon ng Pampanga Chamber of Commerce and Industry, Inc. (PamCham) at ilang restaurant owners sa lalawigan ang talamak na maling paggamit ng Persons with Disability (PWD) Identification Cards.
Dahil dito, sumulat na sina PamCham President Atty. Paul L. Yusi at Chairman Renato G. Romero kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex T. Gatchalian na siya ring chairperson ng National Council on Disability Affairs.

Ayon sa PamCham, may mga indibidwal na gumagamit ng PWD IDs, partikular sa mga restaurant, bagama’t hindi sila kwalipikado para sa benipisyo nito.
Nakatatanggap na rin umano sila ng mga report mula sa mga business owner kaugnay ng revenue losses dahil dito.
Ang Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disabilities, na inamyendahan ng RA 10754, ay nagbibigay ng pribilehiyo sa mga may kapansanan ng 20% na discount at VAT exemption sa transportation, lodging, restaurants, at recreational facilities.

Kaugnay nito, hinihimok ngayon ng PamCham ang tanggapan ni Gatchalian na magpatupad ng agarang pagkilos o aksyon para sa lumalalang isyu na ito.
Kabilang dito ang mas mahigpit na pagbibigay at pagbeberipika ng PWD IDs at pagpapataw ng kaukulang penalty sa mga maling gagamit nito.
Hinikayat din ng PamCham ang DSWD at maging ang mga Local Government Units na magsagawa ng awareness campaign para bigyan ng wastong kaalaman ang publiko ukol sa lehitimong paggamit ng PWD IDs gayundin ang pagbubuo ng complaint mechanism para mai-report ang mga aabuso rito.
Umaasa umano ang PamCham na agad itong masosolusyunan upang maprotektahan ang mga apektadong negosyo at maging ang lehitimong PWD beneficiaries. #